| Puganteng Magdalo Soldier na si Faeldon, Sumuko sa Administrasyong Aquino! |
| News - Major News |
| Wednesday, 07 July 2010 13:15 |
|
Sumuko na sa Armed Forces of the Philippines ang puganteng rebeldeng si Marine Captain Nicanor "Nick" Faeldon na una nang lumahok sa dalawang kudeta laban kay dating Pangulong Gloria Arroyo. Ayon kay Navy Spokesman Lt. Col. Edgard Arevalo, Huwebes ng umaga inaasahang ihaharap sa media si Faeldon. Kinumpirma ng abogado ni Faeldon na si Atty. Trixie Cruz - Angeles ang pagsuko ng kanyang kliyente at boluntaryong pagbalik nito sa mga Marines. Ayon kay Cruz, ang pagsuko ni Faeldon sa Administrasyong Aquino ay pagpapakita na hindi ito magpapailalim sa nagdaang administrasyon na hindi nito itinuturing na lehitimo. Naniniwala umano si Faeldon na ang bagong commander-in-chief, sa katauhan ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ay tunay na halal ng taumbayan. Ito ang dahilan kung kaya't sumusuko si Faeldon sa otoridad ng bagong pangulo. Nahaharap si Faeldon sa mga kaso sa civilian at court martial sa paglahok nito sa mga tangkang kudeta noong July 2003 at November 2007. May patong si Faeldon na 1 milyong piso sa pagkakahuli sa kanya. |







