| Presidential Bets, Nakaboto na; Noynoy Aquino, Naantala ang Pagboto! |
| News - Major News |
| Monday, 10 May 2010 07:18 |
|
Maagang bumoto ang mga presidential bet sa kauna-unahang nationwide poll automation. Bago pa man magbukas ang precinct 445-a sa University of Asia and the Pacific sa Ortigas Center sa Pasig City, pumila na si Presidential Candidate Nicanor Perlas kasama ang anak na si Christopher Michael.
Alas-9 naman ng umaga nang bumoto si Lakas-Kampi-CMD standard bearer Gilberto Teodoro Jr. sa Carabaoan-Caocaoayan Elementary School sa Mayantoc, Tarlac.
Kasama nito ang kanyang asawang si Congresswoman Nikki Prieto-Teodoro at ang kanilang anak. Sa kanyang hometown sa Olongapo City, bumoto ang standard bearer ng ang kapatiran na si JC Delos Reyes habang sa Bunlo Elementary School sa Bocaue, Bulacan si Brother Eddie Villanueva. Sinalubong naman ng problema sa PCOS machine ang pagboto ni Liberal Party Presidential Bet Noynoy Aquino sa Central Azucarrera de Tarlac Elementary School sa Tarlac City. Ito ay nang magloko ang makina dahil sa “paper jam” ilang minuto bago dumating si Aquino na inabot ng tatlong oras sa pagpila bago tuluyang nakaboto. Sa kanyang lalawigan sa zambales, bumoto si Bagumbayan presidential bet Richard Gordon habang sa Las Pinas City si Nacionalista Party Standard Bearer Manny Villar. Bago naman mag-tanghali, bumoto na rin si dating Pangulong Joseph Estrada sa San Juan City habang pasado alas-2 ng hapon nang bumoto si Senador Jamby Madrigal sa St. Paul College sa Quezon City.
|







