| Kongreso, HIndi Magpapadala ng Kinatawan sa Pagboto sa Shortlist ng Chief Justice Nominee |
| News - Major News |
| Friday, 27 July 2012 07:59 |
|
Hindi magpapadala ng kinatawan ang Kongreso sa pulong at botohan ng Judicial and Bar Council, sa Lunes sa mga nominado at aplikante bilang Chief Justice. Ayon kay Sen. Francis Escudero, ito ang napagkasunduan nila sa pulong kasama sina Senate President Juan Ponce Enrile, House Speaker Sonny Belmonte Jr. at Iloilo Congressman Niel Tupas.
Ito aniya ay hangga’t walang desisyon ang Korte Suprema sa kanilang apila sa ruling ng Kataas-Taasang Hukuman na isa lamang dapat ang kinatawan ng Kongreso sa JBC. Sinabi ni Escudero na pagbibigay-diin din ito sa kanilang paninindigan na dalawa ang dapat kinatawan ng kongreso sa JBC, isa mula sa Senado partikular ang chairman ng Senate Committee on Justice at isa sa Kamara, ang chairman ng House committee on Justice. Inilabas ng Supreme Court ang ruling base sa petisyon ni dating Solicitor General Frank Chavez nang kuwestyunin nito ang komposisyon ng JBC na binubuo ng walo. Ayon kay Chavez, pito lamang dapat ang mga miyembro ng JBC dahil isa lamang dapat ang kinatawan ng Kongreso sa constitutional body na sumasala ngayon sa mga nominado at aplikante bilang chief justice. |







