| Maraming Klase sa Metro Manila at Karatig Lalawigan, Sinuspinde Dahil sa Sama ng Panahon |
| News - Major News |
| Friday, 20 July 2012 04:36 |
|
Suspendido na ang afternoon classes sa ilang bahagi ng Metro Manila at Cavite dahil sa inaasahang paglakas ng ulan. Kabilang sa nagsuspinde ng klase sa hapon mula elementarya hanggang high school sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan ang mga lungsod ng Malabon; Pasay; Maynila; Marikina; Parañaque at Pateros.
Suspendido na rin ang afternoon classes sa Bacoor City maging sa bayan ng Rosario at Noveleta, sa Cavite. Suspendido na rin ang klase sa ilang bahagi ng lalawigan ng Rizal dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan simula pa kaninang hatinggabi. Unang nagsuspinde ng klase ang buong siyudad ng Antipolo mula kindergarten hanggang high school sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Sinabi ni Joey Marco rescue team chief na agad kinansela ni Mayor Nilo Leyble ang klase dahil 3:30 pa lamang ng madaling araw ay bumuhos na ang malakas na ulan kung saan sa V.V. Soliven area ay hanggang tuhod na ang tubig at hindi na maaring daanan ng maliliit na sasakyan. Nakatutok na rin ang rescue team sa mga posibleng land slide sa mga bahagi ng barangay San Jose, Cupang, San Luis at San Isidro, na mga land slide prone area. Agad ring sinuspinde ni Cainta Mayor Mon Ilagan ang pang-umagang klase mula elementarya hanggang high school dahil sa pagbaha partikular na sa kahabaan ng Ortigas extension dahil sa rekomendasyon ng local disaster officer. Sa bayan ng Angono ay buong araw na walang klase ang mga paaralan dahil sa pag-apaw ng tubig sa mga ilog at kanal na umabot hanggang tuhod. Sa bayan naman ng Teresa at Morong, umabot na rin sa national road ang baha kung kaya’t suspendido na rin ang klase dahil sa panganib na tumaas pa ito sakaling hindi tumigil ang pagbuhos ng malakas na ulan. |







