| Panibagong Plano ng Dating Pangulong Arroyo na Makapagpagamot sa Ibang Bansa, Haharangin ni PNoy |
| News - Major News |
| Tuesday, 15 May 2012 05:46 |
|
Tiniyak ni Pangulong Noynoy Aquino sa publiko na haharangin niya ang balak ni dating Pangulong Gloria Arroyo na lumabas ng bansa upang magpagamot. Iginiit ni Ginoong Aquino na wala ng kredibilidad si Pampanga Representative Arroyo upang sabihin nito na life threatening ang kanyang medical condition.
Ayon sa punong ehekutibo, hindi niya hahayaan na maantala ang “gulong ng katarungan” at makaalis si Ginang Arroyo kahit pa pahintulutan ito ng Pasay City RTC Branch 112. Tila panis na anya ang mga rason ng kampo ng dating lider na lumalala ang kalagayan nito partikular sa kanyang batok na nilagyan ng titanium implant. Ito’y matapos mapatunayan noong isang taon ng mga doktor na hindi kailangan ng mambabatas na sumailalim sa medical treatment sa ibang bansa dahil kaya naman gamutin ng mga doktor sa Pilipinas ang kanyang sakit. Gayunman, kumambyo si Aquino sa pagsasabing hihintayin pa niya ang official findings ng mga doktor maging ng mga legal expert bago payagan ang kongresista.
|







