| MIAA, Tiniyak ang Seguridad sa NAIA Kasunod ng Kaguluhan sa Pagitan nina Raymart Santiago at Ramon Tulfo |
| News - Major News |
| Tuesday, 08 May 2012 04:35 |
|
Sinupalpal ng Manila International Airport Authority ang pahayag ng beteranong columnista na si Ramon Tulfo na inutil ang mga security personnel sa NAIA, sa Pasay City. Kaugnay ito sa panggugulpi ng grupo ng aktor na si Raymart Santiago at asawang si Claudine Barretto kay Tulfo noong linggo.
Iginiit ni Jose Angel Honrado, general manager ng MIAA na ginawa naman ng mga security personnel ang kanilang trabaho. Hindi anya sila ang dapat sisihin sa naturang insidente sa pagitan ng grupo ng aktor at mamamahayag dahil inawat naman nila ang mga ito. Nag-ugat ang gulo sa paninigaw at pagmumura umano ng aktres sa mga staff ng Cebu Pacific Airlines matapos maiwan sa Caticlan Airport, sa Aklan ang kanilang bagahe. Nag-init naman ang ulo ni Raymart nang makita nito na kinukunan ng mamamahayag ng video si Claudine habang pinapagalitan ang mga ground crew ng airlines. Matapos nito kinuyog at ginulpi ng grupo ng aktor si Tulfo dahil tinadyakan umano nito si Barretto. Tiniyak din ng MIAA na kaya pa rin nitong bigyang seguridad ang mga pasilidad ng NAIA partikular ang terminal 3, sa Pasay City. Ito’y sa kabila ng gulo sa pagitan ng grupo ng aktor na si Raymart Santiago at beteranong kolumnista na si Ramon Tulfo noong linggo sa passenger arrival area kung saan walang CCTV camera. Ayon kay Honrado, nananatili ang kanilang "administrative" security measures upang matiyak na hindi makapapasok ang magtatangkang manggulo sa airport. Bagaman walang CCTV sa arrival area, hindi anya ito nangangahulugan na hindi na nila kayang bantayan ang naturang lugar. Samantala, nilinaw ni Honrado na wala silang balak sa ngayon na sampahan ng kaso sina Santiago at Tulfo bunsod ng insidente. |







