| Ramon Tulfo at 2 Ground Attendants, Kinasuhan na ang Mag-asawang Raymart at Claudine Barretto - Santiago |
| News - Major News |
| Monday, 07 May 2012 05:09 |
|
Nagsampa na ng kaso ang beteranong kolumnista at broadcaster na si Ramon Tulfo laban sa mag-asawang sina Raymart at Claudine Barretto Santiago. Kasong physical injuries ang isinampa ni Tulfo sa Pasay City Prosecutor’s Office dahil sa panggugulpi sa kanya ng grupo nina Santiago sa NAIA Terminal 3, sa Pasay City, kahapon.
Naghain din ng kasong Grave Coercion ang mamamahayag laban sa aktor dahil sa tangka nitong panghahablot ng kanyang cellphone habang kinukunan ng video ang pagtatalak umano ni Claudine sa mga ground crew ng Cebu Pacific Airlines.
Itinanggi naman ni Tulfo na sinipa niya si Barretto habang inaawat umano nito si Raymart. Nag-ugat ang insidente sa paninigaw at panduduro umano ni Claudine sa dalawang staff ng Cebu Pacific makaraang maiwan ang mga bagahe ng mag-asawa sa Caticlan Airport, Aklan. Samantala, inireklamo rin ng dalawang ground personnel ng Cebu Pacific Airlines ang nagreklamo sa mga otoridad laban sa aktress na si Claudine Barretto. Kinilala ang mga staff na sina Cid Charisse Bocboc at Kristina Anne Ilagan. Sa salaysay nina Bocboc at Ilagan, nakaranas sila ng verbal abuse mula sa aktres matapos nitong mapag-alaman na naiwan ang kanyang mga bagahe sa caticlan airport sa aklan. Lalo umanong nag-init ang ulo ng aktres dahil sa pagka-delay ng kanilang flight mula Caticlan hanggang Maynila. Kararating lamang nina barreto kasama ang asawa nitong aktor na si Raymart at pamilya mula sa isla ng Boracay. Ayon kay Bocboc, hinanapan niya sina Santiago ng baggage claim stub at tinanong ang itsura ng kanilang luggage subalit imbes na maging mahinahon ay nagtatalak pa si Barreto sa arrival area. Paliwanag naman ni Ilagan, dinala sa Kalibo Airport ang bagahe nina Santiago bunsod ng weight limitations at safety reason at nakatakdang dalhin sa Maynila.
|







