| Zubiri at Moreno, Nanumpa sa Partido ni Erap |
| News - Major News |
| Thursday, 03 May 2012 06:07 |
|
Nanumpa na bilang mga bagong miyembro ng Puwersa ng Masang Pilipino sina dating Senador Juan Miguel Zubiri at Manila Vice Mayor Isko Moreno. Dakong alas-9:30 ng umaga ng Huwebes nang dumating ang presidente ng P.M.P. na si dating Pangulong Joseph Estrada at founder ng partido na si Senate President Juan Ponce Enrile sa Club Filipino, sa Greenhills San Juan. Dumalo rin sa oath-taking ang ilan pang miyembro ng partido tulad nina Senador Jinggoy Estrada at Navotas Congressman Toby Tiangco. Nanumpa kay Enrile si Zubiri na kabilang sa mga posibleng maging senatorial candidate ng United Nationalist Alliance. Ito ang binuong kowalisyon ng PMP at Partido Demokratikong Pilipino-Laban ni Vice President Jejomar Binay, para sa may 2013 midterm elections. Sunod na nag-oath taking si Moreno na tatakbo sa pagka-alkalde ng Maynila sa nabanggit na halalan sa ilalim din ng partido. Kasamang nanumpa ng dating aktor ang 27 miyembro ng konseho ng Maynila. Gayunman, una ng inamin ng kampo ni Erap na posibleng i-atras ng bise alkalde ang kandidatura nito kung itutuloy ng dating punong ehekutibo ang pagtakbo nito sa mayoralty race sa kabisera ng bansa.
|







