|
News -
Major News
|
|
Friday, 12 February 2010 06:31 |
|
Hinihinala ng Davao City PNP na close–in security ni dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. ang napatay ng mga bodyguard ni Buluan Vice Mayor Toto Mangudadatu sa JS Gaisano Mall kagabi, sa Davao City
Sinabi ni Davao City Police Chief, Senior Superintendent Rene Espero, na dati rin miyembro ng Civilian Volunteers Organization si Kamendan Tamano Kagi, na naka-assign kay Andal Sr.
Walang armas si Kagi nang tangkain umano nitong agawan ng baril ang isa sa mga security escort ni Mangudadatu.
Isinasailalim na rin sa imbestigasyon ang dalawang bodyguards ni Mangudadatu na sina PO1 Ibrahim Lenggalin at PO1 Benta Surab.
Kasama ni Mangudadatu ang kanyang mga anak sa pamimili ng laruan ala-syete kagabi sa JS Gaisano Mall sa Davao City nang maganap ang insidente.
Ayon kay Mangudadatu, pamangkin ni Andal Sr. si Kagi at isa ito sa mga suspect sa Maguindanao Massacre noong Nobyembre a-bente-tres.
Muli namang igigiit ni Buluan, Maguindanao Vice Mayor Toto mangudadatu sa Comelec na bigyan ito ng karagdagang security details kasunod ng tangkang pagpatay sa kanya.
Binigyang-diin ni Mangudadatu na ang insidente ay patunay lamang ng patuloy na banta sa kanyang buhay matapos ang masaker.
Nangangamba ang bise alkalde na masusundan pa ang insidente batay na rin sa mga death threat na natatanggap ng kanyang pamilya. |